
Nagpasaklolo na rin sa Land Transportation Office (LTO) ang Philippine National Police para sa pagtunton sa kinaroroonan ng registered owner ng nag-viral na mamamahaling van na may logo na “Pulisya” at “PNP”.
Sa gitna ito ng nagpapatuloy na imbestigasyon at pagba-back track ng kapulisan partikular na ang PNP-Highway Patrol Group sa naturang kaso.
Ayon kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, batay sa naging resulta ng inisyal na imbestigasyon ng pulisya dito ay lumalabas na ang naturang sasakyan ay nakarehistro sa isang kumpanya ngunit nang puntahan daw ito ng mga otoridad sa may bahagi ng Pasay City ay hindi na doon pa naka-locate ang opisina nito.
Ito ang dahilan kung bakit humingi na ng tulong ang PNP sa LTO upang magbacktrack sa registered owner nito at alamin na rin kung may record ba na naitransfer ito sa isang indibidwal.
Paliwanag ni Col. Fajardo, ang Land Transportation Office lamang daw kasi ang mayroong authority na maglabas ng show cause order laban sa registered owner at kasalukuyang owner ng nasabing sasakyan.
Aniya, ang pamemeke at ilegal na paggamit na ito sa logo ng pambansang pulisya ay isang lantaran na pagsasawalang bahala sa umiiral na batas sa bansa na isang malinaw na paglabag sa Article 179 ng Revised Penal Code.
Dahil dito ay nagbabala rin ang opisyal na maaaring makasuhan ng illegal use of PNP insignia at accounterments, pagmultahin, at makulong sa loob ng isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan.
Samantala, una rito ay nilinaw na rin PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na hindi pag-aari ng Philippine National Police ang naturang sasakyan kasabay ng kaniyang patuloy na paghimok sa mga motorista na agad na iparehistro anbg kanilang mga sasakyan sa current owners nito upang mas maging mabilis ang pagtukoy ng mga otoridad sa kung sino man ang nagmamay-ari nito.