Tiniyak ngayon ng Philippine National Police (PNP) na nakakalat ang 80 pursiyento ng kanilang puwersa ngayong araw kasabay ng unang araw ng pagpapatupad ng ilang transport group ng malawakang tigil pasadang tatagal ng isang linggo.
Sinabi ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Red Marana na isang linggong naka-heightened alert status ang pambansang pulisya para sa isang linggong transport holiday.
Ang mga pulis na naka-duty ay magbibigay ng tulong at seguridad sa mga commuters na apektado ng tigil pasada.
Partikular daw na ipapakalat ang mga pulis sa mga lugar kung saan sumasakay ang mga commuters para makapagbigay ng kaukulang seguridad sa ating mga kababayan.
Tiniyak din ni Maranan na ipapakalat ng PNP ang lahat ng kanilang available mobile patrol vehicles para makapagbigay ng libreng sakay sa mga commuters.
Inabisuhan din nito ang publiko na maging maingat ang publiko at huwang nang lumabas kung hindi naman mahalaga ang kanilang mga lakad.
Kung maalala, ilang transport groups ang naghayag ng transport strike sa National Capital Region at Central Luzon mula ngayong araw hanggang Marso 12.
Ito ay bilang protesta sa pagtutol ng mga ito sa public utility vehicle (PUV) modernization program na layong mapalitan ang mga traditional jeepneys ng mga sasakyang gumagamit ng environment-friendly fuels.