Nakataas na sa “heightened alert status” ang buong hanay ng Pambansang Pulisya para sa gaganaping pagdiriwang sa Kapistahan ng Itim na Nazareno sa Lunes, Enero 9, 2023.
Ayon kay Philippine National Police Spokesperson PCol. Jean Fajardo, kasalukuyan nang naka-alerto ang buong hanay ng kapulisan para sa pagsisimula ng Traslacion 2023 sa bansa.
Aniya, maaaga pa lamang ay maraming mga pulis na ang ipinakalat sa buong lungsod ng Maynila partikular na sa paligid ng Quirino Grandstand at Quiapo Church na inaasahang dadagsain ng maraming deboto lalo na’t dalawang taon din ang nakalipas na hindi ito natunghayan ng ating mga kababayan.
Bukod dito ay sinabi rin ni Fajardo na kabilang sa police maneuver forces na ide-deploy Pambansang Pulisya ay ang Special Action Force (SAF), at Explosive Ordinance Disposal and Canine Group (EOD-K9) nito para magbantay sa nasabing aktibidad.
Layunin nito na siguraduhin ang kaligtasan at kapayapaan mula sa pagsisimula ng taunang okasyon hanggang sa pagtatapos nito.
Una rito ay nilinaw na rin ng mga otoridad na ang mga kumakalat na larawan at video ng mga tangke sa loob ng PNP-National Headquarters sa Kampo Crame sa Quezon City ay bahagi rin ng kanilang isinasagawang paghahanda para sa nasabing pagtitipon.
Kung maaalala, noong Disyembre 15, 2022 ay nagdeklara rin ng “full alert status” ang buong hanay ng kapulisan para naman sa kampanya nitong Ligtas Paskuhan 2022.