Tiniyak ngayon ng Philippine National Police na mahigpit nilang binabantayan seguridad ng isa pang middleman na itinuro ng self-confessed gunman na si Joel Escorial.
Kasunod ito ng pagputok ng balitang namatay na ang isa pa umanong middleman na kumontak sa grupo nina Escorial mula sa loob ng New Bilibid Prison.
Sa isang pahayag ay nilinaw ni Special Investigation Task Group Commander at Southern Police District Director Police Brig. General Kirby John Kraft, na ang sinasabing middleman na hawak nila ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) habang ang napaulat namang nasawi ay nasa Bilibid na kinilala namang si Crisanto Palana Villamor.
“Matatandaan niyo po anim po yung sinabi ng ating gunman na sila nagtrabaho… So dalawa po itong ating middleman na kumontak sa kanila at yung isa nga po nandito sa BJMP… So sinecure po natin yan kaya nga po nagkakaroon ng autopsy para malaman kung anong tunay na nangyari dito sa isa.” saad ni SITG Commander at SPD Director Police Brig. General Kirby John Kraft.
Ang BJMP ay nasa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) habang ang New Bilibid Prison naman ay nasa ilalim ng pamamahala ng Bureau of Corrections na saklaw naman ng Department of Justice.
Namatay si Villamor sa kaparehong araw kung kailan iniharap ang self confessed gunman na si Escorial sa media kung kailan inamin niya na mula sa loob ng Bilibid ang nagbayad sa kanilang grupo ng Php550,000 kapalit ng buhay ng mamamahayag na si Percy Lapid.