-- Advertisements --

Pinasalamatan ni Philippine Navy Rear Admiral Jose Ma Ambrosio Ezpeleta ang mga tropa ng pamahalaan na patuloy na naka-duty at nagsisilbi sa kabila ng kaliwa’t-kanang holiday celebration.

Sa Christmas message ni Ezpeleta, kinilala nito ang sakripisyo ng mga personnel na naka-duty, kapwa sa mga karagatan o sa mga kalupaan, at sa mga standby forces na nakahandang tumugon sa anumang pangangailangan.

Aniya, ang kanilang vigilance ay malaking bagay para masiguro ang kaligtasan at kapayapaan ng bawat isa habang nasa kasagsagan ng selebrasyon.

Hinimok din niya ang bawat personnel ng PN na magpakita ng pagmamalasakit sa kanilang mga kabaro at suportahan ang mga ito.

Pinasalamatan din ng Navy Chief ang Fleet-Marine Team at hinikayat ang mga ito na ipagpatuloy ang magandang serbisyo.

Pagtitiyak ni Ezpeleta na kung naka-duty man ang mga ito at malayo sa kanilang mahal sa buhay, pinapahalagahan ng buong bansa ang kanilang sakripisyo at commitment.

Apela ng PN Commander, sa kabila ng mga pagsubok, kalamidad, at mga problema, nakabubuting ipakita pa rin ang pasasalamat sa Diyos sa patuloy niyang pagbibigay ng guidance at proteksyon sa bawat isa.