Pinaghahandaan na ng Philippine Navy ang conversion ng Grande island sa Subic Bay, Zambales at Chiquita island sa Bataan bilang military reservations.
Ayon kay PN spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, itinutulak ngayon ng Hukbong Dagat ng Pilipinas ang paghahanda para sa ganap na pag-okupa o paghahanda ng lupain na igagawad sa pamamagitan ng isang presidential proclamation na nagdedeklara sa 2 isla bilang military reservations.
Ipinaliwanag ng opisyal na kailangang maideklara bilang military reservations ang 2 isla dahil malapit ito sa Subic bay kung saan ang natural layout nito ay nagbibigay ng ligtas na pwerto para sa mga barko ng PH Navy na dumadaan sa naturang katubigan.
Mayroon din aniyang runway sa Subig Bay area na maaaring magamit ng sasakyang panghimpapawid ng Pilipinas.
Nilinaw naman ng PH Navy official na walang kinalaman ang naturang hakbang sa pagkakaaresto ng 6 na dayuhan at 2 Pilipino na nadiskubreng nagsasagawa ng mga iligal na aktibidad sa Grande island noong Marso 13.
Samantala, nakikita naman ang conversion ng 2 isla bilang military reservations na makakatulong sa pag-secure ng mga operasyon sa Subic Special Economic and Freeport Zone kabilang na sa may Riviera Wharf at Subic Bay International Airport.
Sinabi naman ng Department of National Defense na ang naturang hakbang ay alinsunod sa nagpapatuloy na development ng naval operating base sa Subic na naglalayong palakasin pa at mapanatili ang istratehikong presensiya ng Pilipinas sa western seaboard.