Sinimulan na ng Philippine Navy ang deployment sa mga binuong ‘Surface action groups’ o multiple naval vessel bilang bahagi ng pagprotekta nito sa maritime teritory ng bansa.
Sa ilalim nito ay iniiwasan ng Phil Navy ang lone ship o ‘lone wolf’ operations at nagdedeploy ng ilang warship nang sabay-sabay.
Ang grupo ng mga barkong pandigma na sabay-sabay na nakadeploy, ang tatawaging ‘surface action groups’.
Dahil sabay na magpapatrolya ang mga barkong pandigma, inaasahang magiging mas malawak ang masasaklawan nilang karagatan at maiikutan ang lahat ng mga karagatang sakop ng bansa.
Ayon kay PN spokesperson Captain John Percie Alcos, ang bagong istratehiya ay bahagi ng pagpapalakas sa warfighting capabilities ng Pilipinas sa ilalim ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC).
Maaari din aniyang maging bahagi ito ng mga maritime cooperative activities(MCA) at Balikatan Exercises sa pagitan ng US at Pilipinas sa hinaharap.
Ayon kay Alcos, welcome sa hukbo kung ikukunsidera ng mga planner ng Balikatan ang bagong istratehiya ng Phil Navy at gamitin ito sa mga susunod na military exercises
Sa ilalim ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) ng Pilipinas, inaatasan ang Armed Forces of the Philippines(AFP)na depensahan ang lahat ng teritoryo ng Pilipinas kabilang na ang 200 nautical mile exclusive economic zone(EEZ) nito.