Inihayag ng Philippine Navy (PN) na nasubok na nito ang kanilang bagong nakuhang Bullfighter chaff decoy na pinakabagong countermeasure laban sa mga anti-ship missiles.
Sinabi ni Capt. Benjo Negranza, direktor ng naval public affairs office ng Ph Navy, na ang Bullfighter ay isang bagong henerasyon ng 130 mm decoys para sa Super Rapid Blooming Offboard Chaffs (SRBOC).
Kabilang din dito ang iba pang 130mm launcher system upang protektahan ang mga sasakyang pandagat hanggang sa laki ng mga frigate laban sa mga anti-ship missiles.
Ang Bullfighter ay sinubok ng Offshore Combat Force ng Ph Navy sakay ng dalawang Rizal-class frigates, BRP Jose Rizal (FF150) at BRP Antonio Luna (FF151), sa paligid ng karagatan ng Zambales noong Marso 24.
Ayon sa Ph Navy, ang kargamento ay epektibo laban sa mga anti-ship missiles.
Ang pagkuha ng Bullfighter chaff countermeasure ay bahagi ng pangalawang programa ng modernisasyon ng Ph Navy.
Ito’y upang palakasin ang ating mga barkong pandigma na ipagtanggol laban sa mga modernong banta sa digmaang pangkaragatan.