Iniulat ng Philippine Navy na nakumpleto na ng BRP Herminigildo Yurong (PG906) ang isang yugto para sa pag-mentene ng operational readiness at precision nito. Ito ay sa pamamagitan ng isang routine test na isinagawa ng mga Navy personnel.
Batay sa report, ang naturang routine exercise ay mahalaga para matiyak na nasa top condition ang mga weapon system ng naturang barkong pandigma.
Dito ay tinitingnan ng mga crew kung gaano ka-epektibo ang mga gun system ng naturang barko sa ilalim ng mga realistic conditions.
Kabilang sa mga ginawa rito ay ang pagpapaputok sa ilang mga target kung saan sinusukat ang accuracy at reliability ng weapon system ng barko.
Mahalagang matukoy ito ng Phil Navy upang makagawa ng kaukulang pagbabago sakaling may pagkukulang.
Maalalang noong Mayo 2024 ay kinomisyon ng Navy ang BRP Yurong bilang isa sa mga pangunahing military vessel nito.
Ito ay isa sa dalawang karagdagang fast attack interdiction craft (FAICs) ng Navy mula sa Israel.