-- Advertisements --

VIGAN CITY – Muli na namang nanawagan ang Philippine Nurses Association sa gobyerno na ibigay ang mas magandang serbisyo at tamang pasahod sa mga Filipino nurses sa kabila ng nagpapatuloy na pagbaba ng bilang ng mga nagsisilbi dito sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Philppine Nurses Association President Melvin Miranda, dapat na umanong magpatupad ang gobyerno ng short at long term retention plan dahil aabot umano sa 325,000 ang kakulangang bilang ng mga nurses dahil sa patuloy na kagustuhan ng iba na mangibang bansa.

Dagdag ni Miranda na kahit malakas ang demand dito sa bansa, kinakailangan pa rin umanong matugunan ang mga plantilla positions.

Sinabi rin nito na nakakaalarma na ang bilang ng mga nurse sa bansa dahil naaapektuhan umano ang mga ospital dahil hindi na nadadagdagan ang mga bed capacities, hindi na rin naitataas ang admission at kahit ang mga kapapatayong ospital ay hindi makapag-full operate dahil sa kakulangan ng bilang ng mga nurses.