-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nakauwi na ng bansa ang Philippine obstacle racing team matapos ang matagumpay na pagkasungkit ng gintong medalya kung saan na-sweep ito ng koponan sa relay events sa 32nd Southeast Asian (SEA) Games sa Phnom Penh, Cambodia.

Ikinatuwa ng isa sa mga miyembro ng koponan na si Milky Mae Tejares, tubong Belison, Antique ang kanilang pagkapanalo kung saan, natapos ng mga ito ang 12 obstacles sa maikling oras na 33.73 seconds na naging dahilan upang maitala sa Pilipinas ang gintong medalya laban sa Indonesia.

Kabilang sa koponan sina Sandi Menchi Abahan, Mecca Cortizano, at Marites Nocyao.

Nadiskubre ng Antiqueña ang nasabing laro noong 2018 kung saan, tinutukan niya ito ng husto hanggang sa nakalahok sa 2019 SEA Games na ginanap sa Pilipinas at siya ay naging silver medalist.

Si Tejares ay nauna nang nahilig sa sports climbing.

Sa kasalukuyan, ang koponan ay nakabakasyon kasama ang kani-kanilang pamilya upang bigyang pahinga ang kanilang mga katawan mula sa prestihiyosong sporting events.