Siniguro ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino ang maayos na kalagayan ng Philippine contingent na nasa Metz, France, ilang linggo pa bago ang pagsisimula ng Paris Olympics.
Ayon kay Tolentino, masaya ang buong delegasyon habang nagpapatuloy sa kanilang paghahanda at ensayo sa nalalapit na turneyo.
Pinapangunahan ni Tolentino ang delegasyon ng mga atletang Pilipino sa Metz kasama sina POC secretary-general Atty. Wharton Chan at training camp director Nikko Huelgas.
Unang nagtungo ang walong Pinoy Olympian sa Metz noong huling bahagi ng Hunyo at pagdating doon ay agad ding sumabak sa training camp.
Ayon kay Tolentino, tinitiyak nilang makapagbibigay sila ng magandang accommodation at maayos na serbisyo sa mga atletang sasabak sa pinakamalaking turneyo sa buong mundo.
Sa kasalukuyan ay mayroong 22 Pinoy na kwalipikado sa 2024 Olympics. Huling naidagdag dito ang dalawang hurdler na sina Lauren Hoffman at John Tolentino.