-- Advertisements --
ppa

Sinimulan na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang paghahanda nito para sa Undas 2023.

Ito ay kasabay na rin ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero bago, pagsapit, at ilang araw makalipas ang Undas.

Ayon kay PPA spokesperson Eunice Samonte, binuksan na nila ang ibat ibang pantalan sa bansa, kasama na ang pagpapalawak sa mga ito, para ma-accomodate ang lahat ng mga nagdadagsaang pasahero.

Ilan sa mga pangunahin aniyang babantayan ng PPA ay ang top 5 na pantalan sa buong bansa na kadalasang dinadagsa ng mga pasahero.

Kinabibilangan ito ng Port of Calapan sa Mindoro na kayang mag-accomodate ng hanggang 12,000 passengers, Port of Batangas, Iloilo, Panay, at Guimaras.

Ang mga naturang pantalan ay inaasahang dadagsain ng mga pasahero, lalo na sa kasagsagan ng mga uwian, ilang araw bago ang undas.

Sinabi ni Samonte na nakapaglagay na sila ng sapat na pasilidad, kasama ang mga water refilling station at charging station; nakatakda na rin ang pagdaragdag ng mga personnel sa mga ito.

Kasabay nito, umapela rin si Samonte sa mga may-ari ng mga sasakyang pandagat na kung maaari ay magkaroon pa ng karagdagang mga barko para masigurong tuloy-tuloy ang biyahe ng mga pasahero.

Pagtitiyak naman ng PPA na kung may mga strander o hindi makabiyahe o naantalang mga biyahe, mayroong mga nakahandang intervention ang opisina, kasama na ang pagluluto ng mga lugaw at sopas para sa mga pasahero.