-- Advertisements --
image 298

Nilinaw ni Philippine Reclamation Authority (PRA) Assistant General Manager Joseph Literal na tanging 13 reclamation projects at hindi 22 ang inaprubahan sa Manila Bay.

Ayon sa PRA official na ang 22 reclamation projects na binanggit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay nasa buong bansa, at 13 lamang dito ang nasa Manila Bay.

Pareho aniya ito sa records ng DENR dahil ibinase ang pagapruba sa inisyung environmental compliance certificate (ECC) at clearance.

Sa 13 reclamation projects na ito, sinabi ni Literal na tatlo ang ipinatutupad ngayon, habang ang sampu ay sumusunod pa rin sa mga pre-construction documents at iba pang permit mula sa PRA at iba pang ahensya ng gobyerno.

Sinabi rin niya na ang mga proyekto sa Manila Bay ay naaprubahan mula 2019 hanggang 2021, habang ang iba pang mga proyekto ay naaprubahan na mula pa noong huling bahagi ng 1990s.

Para sa mga nasa Manila Bay, sinabi ni Literal na ang mga proyekto ay puro sa loob ng National Capital Region (NCR) at ilang lugar ng Cavite, at sakop nito ang 5,000 ektarya hanggang 6,000 ektarya ng nasabing bay.