-- Advertisements --
330364534 921706542171335 5587494618832122922 n 1

Nakatakda na raw itigil ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent to Turkey (PIAHC) ang kanilang operasyon sa Turkey sa February 24.

Kasunod na rin ito ng tumamang malakas na lindo.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Spokesperson Assistant Secretary Raffy Alejandro, parehong team daw ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent to Turkey ang titigil na sa kanilang operasyon sa Biyernes.

Dagdag nito, ang Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent to Turkey ay babalik na sa Pilipinas sa Marso 1.

Pero ang urban search and rescue (USAR) team mula sa Pilipinas ay naka-standby lamang dahil sa bumababa na ring senyales na mayroon pang mga survivors sa area.

Naghihintay lamang daw ang mga ito kung may mag-request para sa retrieval operations mula sa Turkish Local Emergency Management Authorities.

Patuloy namang nagbibigay ng medical care sa mga biktima ng lindol ang Department of Health – Philippine Emergency Medical Assistance Team (DOH-PEMAT).

Natulungan na ng mga ito ang nasa 668 na pasyente.

Kung maaalala, nagpadala ang Pilipinas ng 82-man team sa Turkey para tumulong sa search at rescue operations kasunod ng 7.8 magnitude na lindol na tumama sa Turkey na ikinamatay na ng 41,000.

Noong linggo naman nang ihayag ng Philippine Embassy na patay na ang isang Pinay kasama ang tatlong anak na nawawala pa noong Pebrero 6.

Una rito, iniulat din ng embahada na mayroong dalawang Pinoy ang namatay sa malakas na lindol.