Umapela ang anti-smoking group na Philippine Smoke-Free Movement (PSFM) sa pamahalaan na gumawa ng mas maayos na mekanismo para maprotektahan ang mga kabataan mula sa banta ng paggamit ng vape at e-cigarettes.
Ito ay kasunod ng kauna-unahang mortality na naitala sa bansa kamakailan dahil sa E-cigarette o Vaping Use-associated Lung Injury (EVALI).
Ang biktima ay isang 22-anyos na lalake.
Sa isang pahayag, sinabi ng PSFM na kailangan nang magkaroon o maglatag ng mga polisiya na magbabawal sa mga kabataan na gumamit ng vape at iba pang kahalintulad na produkto.
Ayon kay PSFM Lead Coordinator Rizza Duro, ang kampanya laban sa paggamit ng mga nicotine-based products ay dapat lalo pang palawakin upang maprotektahan ang kapakanan ng mga kabataan.
Batay aniya sa monitoring ng PSFM, naging malamya ang implementasyon ng advertising ban, lalo na sa online.
Bagkus na mapigilan ang mga kabataan, lalo aniya silang nahihikayat na gumamit nito dahil na rin sa ibat ibang mga vape flavor na kumakalat sa ngayon.
Maalalang noong nakalipas na buwan ay iniulat ng Department of Health ang pagkamatay ng naturang biktima.
Samantala, batay sa report ng Global Youth Tobacco Survey (GYTS) noong 2019, tuloy-tuloy ang pagtaas ng paggamit ng mga kabataan sa vape kung saan mula sa 11.7% noong 2015 ay umakyat na ito sa 24.6% noong 2019.