Isang organisasyong nagsusulong para sa mahusay na serbisyo sa land transportation ng bansa ang nag-donate ng humigit-kumulang apat na milyong piraso ng plastic card sa LTO.
Ito ay sa hangarin na tulungan ang pambansang pamahalaan na tugunan ang backlog sa driver’s license card.
Ang donasyon ay pormal na ginawa sa paglagda sa isang deed of donation sa pagitan ng Land Transportation Office (LTO) chief Vigor Mendoza II at Philippine Society of Medicine for Drivers (PSMED) President Albert Alegre sa Central Office ng ahensya sa Quezon City.
Batay sa deed of donation, ang unang batch ng mga plastic card, na binubuo ng 300,000 pieces, ay inaasahang maihahatid sa unang linggo ng Enero, o pagkatapos maglabas ng awtoridad ang LTO sa supplier ng donor na gamitin ang disenyo ng driver’s license.
Nakasaad din sa dokumento na 300,000 piraso ang ihahatid kada 15 araw pagkatapos makumpleto ang unang paghahatid at 100,000 piraso para sa huling paghahatid hanggang sa makumpleto ang apat na milyong piraso ng plastic card.
Sa pangako ng apat na milyong plastic card, sinabi ni Mendoza na ang mga bagong aplikasyon at renewal ng lisensya ay ibibigay na ngayon gamit ang mga plastic card, ngunit prayoridad pa rin ang mga overseas Filipino workers.
Sinabi ni Dr. Alegre na ang donasyon ay inaprubahan ng mga miyembro at opisyal ng Philippine Society of Medicine for Drivers matapos malaman ang mga balakid sa pagtugon sa backlog sa driver’s license.