Pinayuhan ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang publiko na mag-iingat hinggil sa inaasahang “unburned debris” kaugnay sa paglulunsad ng Long March 7A.
Sa advisory na ipinadala ng Philippine Space Agency (PhilSA) , inilunsad ang rocket mula sa Wenchang Space Launch Center sa Hainan Island alas-6 ng umaga ng Philippine Time.
Ang mga “unburned debris” ay inaasahang mahuhulog sa dalawang drop zone.
Ayon sa Philippine Space Agency (PhilSA), ang drop zone area 1 ay 79.877 kilometro mula sa Burgos, Ilocos Norte, at 121. 306 kilometro mula Dalupiri Island sa Babuyan Islands.
Ang drop zone area 2 ay 41.686 kilometro mula sa Sta. Ana, Cagayan, 41.37 kilometro mula sa Camiguin Island sa Babuyan Islands, at 47.844 kilometro mula sa Babuyan Island.
Bago ang paglulunsad, ang Civil Aviation Administration of China (CAAC) ay nagbigay ng mga babala sa Notice to Airmen (NOTAM) “dahil sa isang aktibidad sa paglipad sa aerospace.”
Sa pakikipag-ugnayan sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), natukoy ang mga “coordinated places” kung saan inaasahang mahuhulog ang mga “unburned debris” mula sa rocket.
Agad na naglabas ang Philippine Space Agency (PhilSA) ng paunang abiso sa mga kinauukulang ahensya at government agencies sa sandaling makumpirma ang mga petsa ng paglulunsad, at inirekomenda ang pagpapalabas ng naaangkop na mga air and marine warnings.