Nanawagan ang isang grupo na kumakatawan sa mga kumpanya ng tabako sa Pilipinas sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na ganap na ipatupad ang mga probisyon ng Vape Law na partikular na target ang paglaganap ng mga ipinagbabawal na vaporized nicotine products.
Inilabas ng Philippine Tobacco Industry (PTI) ang panawagan sa isang liham na ipinadala kamakailan kay Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr.
Binigyang-diin nito na ang buong pagpapatupad ng Republic Act (RA) 11900 ay makatitiyak na ang publiko ay protektado laban sa mga panganib ng paggamit ng mga ipinagbabawal na produkto gayundin ang pangongolekta ng nararapat na buwis na naglalayong makatulong sa ating ekonomiya.
Ang Republic Act 11900, o mas kilala bilang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, ay naging batas noong July 25, 2022.
Ito ay kinokontrol ang pag-aangkat, paggawa, pagbebenta, packaging, pamamahagi, paggamit at komunikasyon ng mga produktong vaping tulad ng e-cigarettes.
Una rito, sinabi ng Philippine Tobacco Industry na ang talamak na ipinagbabawal na kalakalan ng mga produktong vape sa online ang nagtulak sa kanila na suportahan ang buong pagpapatupad ng naturang batas.