Ipinag-utos na ng Commission on Audit sa Philippine Postal Corporation na bayaran nito ang utang sa Filmetrics Corporation na nagkakahalaga ng aabot sa P47.2 million.
Ito ay para sa naging serbisyo ng naturang kumpanya sa pag deliver at pag set-up ng Biometric Data Service Facility noong taong 2010.
Una nang naghain ang kumpanya ng petition for money claim laban sa PhilPost dahil nabigo itong magbayad para sa Postal Identification and Social Security System Unified Multi-Purpose Identification Card Biometrics Capture Projects na nagkakahalaga ng kabuuang P63,508,111.39.
Nag-ugat ang usapin sa Joint Venture Agreement na pinirmahan ng kumpanya at PhilPost noong September 4, 2009 para sa nasabing proyekto na ipinatupad sa buong bansa.
Nagkaroon ng problema sa pagbabayad ng naturang halaga matapos na tanggihan ng PhilPost Board of Directors ang pagpapalabas ng bayad .
Iginiit nito na ang Joint Venture Agreement at Implementing Memorandum of Agreement ay napaso na noong Sept. 15, 2022 at Sept. 7, 2021.
Ang huling kontrata ng PhilPost sa SSS ay pinirmahan noong Sept. 15, 2021.
Ayon sa Board of Directors, ang kanilang approval ng mga payment ay para lamang sa mga nasa nasabing mga petsa.
Binigyang diin naman ng Filmetrics na nabigyan sila ng extensions na ibinigay ni dating PhilPost Postmaster General Norman N. Fulgencio na may bisa hanggang Enero 7, 2023.
Kaugnay nito ay pinagbabayad na lamang ng COA ang PhilPost ng P47,269,916.10 sa halip na P63,508,111.39 na unang hiningi ng kumpanya.
Ito ay para sa naging delivery ng Biometric Data Service Facility.
Ibinasura naman ng COA ang claim para sa attorney’s fee at iba pang gasto sa paghahain ng kaso dahil sa kawalan ng hurisdiksyon.