Hiniling ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) sa mga magsasaka na gumamit na ng drone technology para mapataas ang kanilang produksyon at mapababa ang production cost.
Ito ay kasabay ng paglulunsad ng naturang ahenisya sa “Drones4Rice” project na may layuning bumuo ng standard protocol sa paggamit ng drone technology para sa pagtatanim ng mga publa, pag-aabono, at mga pestisidyo, sa produksyon ng palay sa bansa.
Ayon kay Dr. Jasper Tallada, ang paggamit ng drone sa pagsasaka ng palay ay maaaring makapagpabago sa produksyon nito.
Inilahimbawa ng opisyal ang mas mabilis at mas madaling pagtatanim o paglalagay ng mga pataba, pestisidyo, at mga binhi, gamit ang drone, na nangangahulugang mas mababa ang magagastos.
Ayon kay Tallada, ang labor cost ay posibleng bababa ng hanggang 50% habang malilimtahan lamang sa 20 minutes ang pagtatanim sa isang ektarya ng palayan kumpara sa kalahating araw o isang buong araw gamit ang tradisyunal na paraan.
Ang paggamit ng drone sa mga palayan ay bahagi ng inilabas na direktiba ng Department of Agriculture (DA) kaugnay sa unang inaprubahan noon na P22.903-billion financial assistance na ibibigay sa mga magsasaka sa pamamagitan ng mga abono.
Ang Drones4Rice project ay proyekto ng DA-Bureau of Agricultural Research at inaasahang hindi lamang magbibigay ng katipiran sa mga magsasaka kungdi makapaghikayat din sa mga kabataang pasukin ang pagsasaka.