Kinumpirma na ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang pagpapalipad ng China sa Long March 7A rocket nito.
Ang naturang rocket ay pinalipad mula sa Wenchang Spacecraft launch site sa Wenchang, Hainan Province noong gabi ng Huwebes.
Una nang naglabas ng babala ang ahensiya ukol sa posibleng pagbagsak ng debris ng naturang rocket sa mga katubigang sakop ng Ilocos Norte at Cagayan.
Partikular na pinapabantayan ng PhilSA ang karagatan, 38 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Norte at 66 NM mula sa Sta. Ana, Cagayan.
Ayon sa ahensiya, bagaman hindi inaasahang babagsak sa kalupaan ang naturang rocket, maaaring babagsak sa karagatan ang mga debris at iba pang parte nito na malaking banta at panganib sa mga dumadaang barko, aircraft, mga bankang pangisda, at iba pang sasakyang naroon o malapit sa drop zone
Maaari din umanong may mga debris na babagsak at lulutang sa karagatan.
Dahil dito, pinapayuhan ng ahensiya ang publiko na kaagad ireport sa mga otoridad kung mayroon mang mamataan na bahagi ng rocket o anumang kahina-hinalang mga bagay.