Kinumpirma ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang pagpapalipad ng People’s Republic of China sa Long March 3B rocket nito.
Ang naturang rocket ay inaasahang babagsak sa identified drop zone nito, 68 nautical miles mula sa Rozul Reef at 116 nautical miles mula sa Ayungin Shoal.
Kasama na rin dito ang mga debris na inaasahang mangagaling sa pinalipad na rocket.
Ayon sa PhilSA, una na itong nagbabala ukol sa banta ng naturang rocket, kasama ang potential risk na maaaring idulot nito sa mga barko, mga bankang pangisda, at iba pang sasakyang pandagat na maaaring mapadaan sa nabanggit na karagatan.
Ang mga naturang debris ay maaaring makitang palutang-lutang sa mga nabanggit na lugar at maaaring mapadpad sa mga dalampasigang malapit dito.
Apela ng PhilSA sa publiko na ireport lamang sa mga otoridad ang mga posibleng mamamataang mga bahagi ng naturang rocket. Nagbabala rin ang ahensiya laban sa posibleng pangunguha o pag-uwi sa mga ito, dahil sa posibleng banta o toxic na laman ng naturang rocket.