Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa posibleng pagbagsak ng debris ng rocket na inilunsad ng China na “Long March 5” kahapon, Biyernes, Mayo 3 sa mga katubigan na sakop ng Pilipinas
Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na inaasahang babagsak ang debris mula sa rocket sa tinukoy na drop zones na tinatayang may 123 nautical miles ang layo mula sa Panatag shoal at 55 nautical miles mula sa Panay Island sa Catanduanes.
Kaugnay nito, pinag-iingat ang mga residente sa lugar na agad ipaalam sa mga lokal na awtoridad kung may mamataang kahina-hinalang debris ng naturang rocket.
Ayon pa sa PhilSA, bagamat sa kanilang pagtaya hindi nakikitang babagsak ito sa kalupaan o mataong lugar, mayroon pa rin itong banta sa mga barko, eroplano, bangka at iba pang sasakyang pandagat na dumadaan sa natukoy na drop zone.
May posibilidad din na lumutang ang debris sa lugar at matangay sa karatig na mga baybayin. Iwasan din na lapitan o kunin ang naturang debris dahil maaaring naglalaman ito ng remnants ng nakakalasong substance gaya ng rocket fuel.
Una rito, nilunsad ng China ang naturang rocket sa may Wenchang Spacecraft Launch Site sa Wenchang, Hainan, China dakong 5:27pm nitong Biyernes.