Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa publiko sa posibilidad ng pagbagsak ng debris ng Long March 4B rocket ng China sa mga karagatang sakop ng Pilipinas.
Nitong umaga ng Martes ng inilunsad ng China ang naturang rocket mula sa Xichang Satellite Launch Center sa Liangshan Yi Autonomous Prefecture, Sichuan.
Ayon sa PhilSA, maaaring bumagsak ang naturang rocket sa natukoy na drop zones na nasa 243 nautical miles (NM) mula sa Philippine Rise, na nasa silangang bahagi ng northern coastline ng Dinapigue, Isabela, at 318 NM mula Panay Island, northwest ng Catanduanes.
Kayat pinag-iingat ang mga naglalayag na mga barko, bangka at mga sasakyang panghimpapawid sa nasabing mga drop zone dahil sa banta ng pagbagsak ng debris.
Hinimok naman ng PhilSA ang publiko na ipaalam sa mga lokal na awtoridad kapag may namataang kahina-hinalang debris ng rocket.
Sa inisyung memorandum naman ng NDRRMC, inabisuhan nito ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at Department of Environment and Natural Resources-National Mapping and Resource Information Authority na ikonsidera ang pagpapatupad ng pansamantalang restriksiyon sa natukoy na drop zones.