-- Advertisements --

Nagbigay babala ang Philippine Space Agency (PhilSA) ukol sa mga posibleng bumagsak na debris mula sa Long March 7A rocket na inilunsad ng China noong Linggo, Marso 30.

Ayon sa ahensya maaaring magdulot ito ng panganib sa mga sasakyang pandagat tulad ng mga barko, bangka, at mga eroplano na dumadaan o nag-o-operate sa malapit sa 64 nautical miles ng lugar sa Dalupiri Island sa Cagayan, Ilocos Norte, Camiguin Norte, at sa Santa Ana, Cagayan.

Binanggit din ng ahensya na may posibilidad na mag drift ang debris patungo sa mga kalapit na baybayin.

Tinutukoy ng PhilSA na ang mga debris mula sa rocket na maaaring bumagsak sa katubigan ng PH ay ang booster at fairing.

Bagamat hindi inaasahang tatama ang debris sa mga tirahang lugar, nagbabala ang PhilSA na maaari parin itong magdulot ng panganib sa mga Pilipino dahil maaari rin aniyang maglaman ito ng mga nakakalasong kemikal tulad ng rocket fuel.

Hinikayat nito ang publiko na iwasan ang anumang pag-lapit sa mga posibleng materyales mula sa rocket at agad i-report ang anumang nakitang debris sa mga local authorities.