-- Advertisements --
SEAG athletes palace
PH SEA Games athletes and sports officials

Dumipensa si House Speaker at Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Foundation Chairman Alan Peter Cayetano sa alegasyon ng korupsyon sa hosting ng Southeast Asian Games (SEA Games).

Sinabi ni Rep. Cayetano, walang pera sa sports kaya kumuha sila ng suporta mula sa private sponsors.

Ayon kay Rep. Cayetano, hindi niya sisirain ang kanyang pangalan dahil lang sa 250 piraso ng athletes uniform na sinasabing overpriced.

Kung mahal aniya ang mga uniporme, ito ay dahil Olympic quality.

Ipinaliwanag din ni Cayetano na ang PHISGOC ay binubuo rin ng mga taga-Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at mga appointees ni Pangulong Rodrigo Duterte, at hindi isang hiwalay na entity.

Kaugnay nito, humingi ng paumanhin si Cayetano kung napupulitika na ang nakatakdang hosting ng bansa sa Nobyembre ngayong taon.

Sa talumpati nito sa unity meeting sa Malacañang, sinabi ni Cayetano na posibleng ang pagiging politiko nito ang rason ng isyu.

Nabatid na inuulan ng batikos ang PHISGOC dahil sa umano’y maanomalya nitong kasunduan sa sports apparel na Asics, bagay na wala aniyang katotohanan dahil hindi nila hawak ang pondo ng SEA Games na nakalagak sa PSC.

Samantala, nilinaw naman ni PSC Chairman William Ramirez na PHISGOC pa rin ang siyang mamumuno sa hosting ng SEA Games pero may ilang teknikal na trabaho gaya ng pangangasiwa sa mga palaro na iaatang nito sa PSC at POC. (with report from Bombo Bam Orpilla)