-- Advertisements --

Handa umano ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na sumalang sa imbestigasyon ukol sa umano’y iregularidad na nangyayari sa kanilang hanay.

Nadidiin kasi ang PHISGOC sa isyu ng kurapsyon dahil sa ilang mga kasunduan na pinasok nito, gaya ng sinasabing overpriced na training uniforms sa isang sports apparel company.

Paliwanag ni PHISGOC chief operating officer Ramon Suzara, hindi raw sila aalma sakaling imbestigahan ang lupon nang sa gayon ay matuldukan na ang kontrobersya.

Giit ni Suzara, nakalagak sa Philippine Sports Commission ang P5-bilyong budget na sinang-ayunan ng Kongreso para sa SEA Games ngayong taon, maging ang P1-bilyong augmentation fund na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon pa sa opisyal, hindi na lamang daw nila pinapansin ang naturang mga paratang dahil alam naman daw nila na pawang kasinungalingan lamang ang mga ito.

“How can we be transparent when the budget is with PSC and the DBM (Department of Budget and Management) is the one processing the bidding? All is with them, it’s not with us. We are just giving the requirements,” wika ni Suzara.

Sa panig naman ni House Speaker Alan Peter Cayetano na siyang chairman ng PHISGOC, inihayag nito na posibleng may kinalaman sa speakership race ang mga paratang na katiwalian na ibinabato sa lupon.

Sinabi ni Cayetano, posibleng inilutang lamang ang isyu dahil sa tumakbo ito sa pagka-Speaker na nasabay pa sa eleksyon naman ng Philippine Olympic Committee.

“That’s all been cleared. Tinatali nila ‘yan sa speakership even ‘yong sinasabi nilang corruption allegation. Nilinaw na ng Malacañang and ni singko walang nawawala,” ani Cayetano.

“In the next few days, I’m sure na puwede nating himayin ‘yan. But ang duda ko talaga dinikit ‘yan kasi ‘pag may eleksyon, may batuhan ng putik. Eh nagkasabay dalawang eleksyon: eleksyon ng Speaker at eleksyon ng POC. So ang problema nagbabatuhan. Ang pakiusap ko lang huwag naman maapektuhan ang mga atleta,” dagdag nito.