-- Advertisements --

Puspusan pa rin ang ginagawang renovation ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Commitee (PHISGOC) sa ilan pang mga venues na gagamitin sa 30th SEA Games.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay PHISGOC Venues Director David Carter, hinahabol nila na matapos ang natitirang mga playing venues bago mag-umpisa ang kompetisyon sa Disyembre 1.

Partikular na tinukoy ni Carter ang firing range sa Subic na gagamitin para sa ilang shooting events ng SEA Games.

Ani Carter, nagkaroon daw kasi ng mga last minute changes kaya bahagyang nahuli ang pagsasaayos ng nasabing lugar.

“‘Yung mga nauna pong kinonsider na venue, nagkaroon po ng mga last minute changes. Meron po minsan, baka mamaya hindi po nagkasundo sa mga hinihingi ng venue,” wika ni Carter.

Bago ito, sinabi ni PHISGOC Chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano na matatapos na ang pagsasaayos sa ilan pang mga main sporting venues bago ang opening ceremonies sa Nobyembre 30.

Ngayong linggo raw matatapos ang venue sa lungsod ng Tagaytay, kung saan idaraos ang cycling at skateboarding.

Habang nakapaghanda na rin aniya sila ng contingency plans para sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila na hindi kakayaning matapos sa araw ng opening ceremony.