CAGAYAN DE ORO CITY – Tinutulan ng Philippine Veterans Investment Development Corp. (Phividec) Industrial Authority ang banta ni Misamis Oriental 2nd District Rep. Juliette Uy na buwagin ang kanilang kompaniya dahil sa kanilang kapabayaan kung kaya’t nakapasok ang mga basura galing South Korea, Australia at Hongkong.
Sa isang press conference, sinabi ni Phividec administrator Franklin Quijano na hindi sila ang dapat sisihin kung bakit nakapasok sa Mindanao International Container Terminal (MICT) port ang mga kontrobersyal na kargamento ng basura sa Misamis Oriental dahil lahat ng international access areas ay may banta sa smuggling.
Dagdag pa nito na makalabas lang ang lahat ng mga kalakal sa pantalan kapag may approval sa Bureau of Customs o BoC at wala sa kanila ang kontrol.
Dahil dito, hiningi ni Quijano ang tulong ng media na i-promote ang kahalagahan ng industrialization sa isang lugar lalo pa’t nakakatulong ito sa ekonomiya at nagbibigay ng trabaho.
Napag-alaman na pinapawanagan ni Rep. Uy ang immediate resignation ni Quijano at mga kasahaman nitong opisyal sa nasabing kompaniya.
Nagbanta pa ang opisyal na kung magmatigas ang mga opisyal na mag-resign, mapipilitan siyang gawing piso ang budget ng Phividec at mag-file ng panukalang-batas na mag-abolish sa nasabing kompaniya.