LEGAZPI CITY – Nakatutok ngayon ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa mga posibleng pagbabago sa aktibidad ng Bulkang Mayon matapos maobserbahan ang crater glow sa nakalipas na mga araw.
Degassing umano ang rason ng naobserbahang glow sa Mayon subalit hindi binabalewala ang indikasyon ng panibagong aktibidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Phivolcs Director Renato Solidum, tipikal na ang pamumula ng crater na senyales ng bagong volcanic activity.
Babantayan rin aniya ang galaw nito kung may papaakyat na magma, posibleng pagbabago sa korte ng bulkan o paglikha ng dome na magiging ugat ng posibleng pagputok.
Kaakibat rin nito ang pag-aaral sa iba pang parametro lalo na ang bilis ng galaw ng posibleng magma at bigat ng volume ng gas na ibinubuga.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Solidum na iba ang nakikitang aktibidad sa Mayon ngayon kumpara sa mga nakalipas na buwan.