-- Advertisements --

Binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibleng maganap na magmatic eruption sa bulkang Kanlaon, kasunod ng nangyaring pagsabog kahapon, Abril 8, 2025.

Ayon kay Phivolcs Dir. Teresito Bacolcol, hindi pa rin inaalis ang posibilidad na may maganap na paglabas ng lava mula sa bulkan, bagay na mas malaking banta sa mga komunidad sa palibot nito.

Paliwanag ng opisyal, ang nangyaring explosive eruption kahapon ay isang phreatic esplosion o steam-driven explosion at walang lumabas na lava kasabay ng usok, abo, at pyroclastic density current na ibinuga ng bulkan.

Dahil sa nananatili ang ‘increased magmatic activity’ sa ilalim ng bulkan, maaari aniyang may bayolenteng paggalaw sa magma chamber at tuluyang magdulot ng magmatic eruption o lava emission.

Patuloy aniya ang Phivolcs na nagbabantay sa naturang posibilidad, upang maagang maabisuhan ang mga residenteng nasa direktang panganib, kung sakaling mangyari ito.

Batay sa record ng Phivolcs, huling nangyari ang magmatic eruption sa naturang bulkan noong 1902 o mahigit 120 taon na ang nakakalipas.

Una nang pinanatili ng Phivolcs ang Alert Level 3 kasunod ng nangyaring pagsabog ng bulkan.