Nilinaw ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol na hindi tinatakot ng ahensiya ang publiko, kasunod ng muling paglabas ng mga posibilidad na mangyari, kalakip ng pinangangambahang ‘The Big One’.
Muling naungkat ang ‘The Big One’, ang malakas na lindol na posibleng mangyari sa Pilipinas at magdulot ng mahigit magnitude 8 na pagyanig, kasunod na rin ng magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar kamakailan.
Ayon kay Dir. Bacolcol, ang mga inilabas ng Phivolcs na posibilidad o scenario ay hindi mga prediction at hindi rin nila layuning takutin o lituhin ang publiko, bagkus, magsisilbi lamang ang mga ito bilang guide.
Magsisilbi rin ang mga ito aniya na reminder o paalala sa bawat isa na maging handa sa anumang oras, para sa anumang posibleng mangyari.
Batay sa isang pag-aaral na isinagawa ng Phivolcs at Department of Science and Technology (DOST), kung may paggalaw sa Philippine Trench, hindi malayong mangyari ang isang magnitude 8.1 na lindol sa bansa.
Kung may paggalaw naman sa Manila Trench sa West Philippine Sea, posible rin aniya ang hanggang magnitude 8.3 sa bansa.
Ayon pa kay Bacolcol, maaari ring magdulot ng tsunami ang mga naturang lindol, at magdulot ng dagdag na panganib sa mga coastal town.