Umapela si Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol sa publiko na manatiling kalmado sa kabila ng tuluy-tuloy na ash emission ng bulkang Kanlaon.
Ayon kay Bacolcol, bagamat hinihimok palagi ang publiko na maging vigilant, nakabubuting manatiling kalmado ang bawat isa at iwasan ang labis na pag-panic.
Kasabay nito ay pina-iiwas din ni Dir. Bacolcol ang publiko sa paniniwala at pagpapakalat ng mga maling impormasyon ukol sa pagputok ng bulkan.
Ang mga ito aniya ay lalo lamang nagpapalala sa tensyon na nararamdaman ng publiko.
Aniya, mas magiging organisado at maayos ang anumang gagawing hakbang kung mapanatiling kalmado ang publiko at walang fake information na kumakalat kung saan-saan.
Maaalalang sa linggong ito ay naging sunud-sunod ang ash emission o pagbuga ng abo ng naturang bulkan.
Ayon kay Dir. Bacolcol, sinyales pa rin ito ng tuluy-tuloy na aktibidad sa loob ng bulkan, bagay na patuloy na binabantayan ng ahensyia.