-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Hindi inaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang posibilidad na pagkakaroon ng major eruption sa bulkang Mayon matapos itaas sa level 3 ang alerto nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Phivolcs resident volcanologist Dr. Paul Alanis, ilang mga barangay sa bayan ng Daraga at lungsod ng Legazpi na ang naapektuhan na ng ashfall o ang pagbagsak ng abo mula sa bulkan.

Binabantayan rin ngayon ang patuloy na pamamaga ng lava dome at ang ilang posibleng pag-collapse nito.

Dagdag pa ni Alanis na dalawang scenario ang binabantayan kabilang na ang pag-iipon ng lakas ng Bulkang Mayon para sa isang major eruption o ang patuloy na pag-init ng volcanic materials.

Inihambing rin nito ang kasalukuyang aktibidad ng bulkan noong 2014 eruption kung saan naging tahimik lamang ang paglabas ng mga volcanic materials.

Samantala, nagkansela na ng pasok sa ilang mga paaralan sa bayan ng Camalig na nasa loob ng danger zones bilang pag-iingat habang tinataya naman ng Albay Provincial Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na nasa 6,000 hanggang 7,000 pamilya ang posibleng ilikas dahil sa patuloy na aktibidad ng naturang bulkan.

Ipinagbawal na rin ng Department of tourism Bicol ang pagpunta sa mga pasyalan na malapit na bulkan partikular na ang Mayon Skyline na pasok sa 5km permanent danger zone nito.

Ngayong hapon din ng magpalabas na ang Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng kautosan para sa pre-emptive evacuation ng lahat na mga residente na nakatira malapit sa 6km permanent danger zone ng Bulkang Mayon.