Tiniyak ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na walang banta ng pagputok ng Mount Pinatubo sa Gitnang Luzon sa kabila ng mahigit 800 lindol na naitala sa bisinidad ng bulkan.
Ayon sa Phivolcs, nananatiling nasa alert level zero ang Pinatubo, na ibig sabihin ay walang mangyayaring pagputok sa “foreseeable future.”
Sa kabila nito, hinimok ng Phivocls ang mga bayan sa paligid ng bulkan na maghanda para umano sa earthquake at volcanic hazards.
Mula noong Enero 20, pumalo na sa 826 imperceptible earthquakes sa silangan hilagang-silangan ng bulkan sa bisinidad ng Mabalacat, Pampanga ang naitala ng Pinatubo Volcano Network at Philippine Seismic Network.
Ang pinakamalakas sa naturang mga pagyanig ay nangyari noong Enero 25 sa lalim na 15 hanggang 18 kilometro, na may magnitude na naglalaro sa 1 hanggang 2.5.
Paliwanag ng ahensya, ang lindol ay nagmula sa segment ng Sacobia Lineament, ang fault na huling naging aktibo noong sumabog ang Pinatubo noong 1991.