Hindi isinasantabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na maulit ang nangyaring pagputok sa bulkang Kanlaon sa Negros island noong Hunyo 3.
Ayon kay PHIVOLCS director Teresito Bacolcol, maaari pa ring mag-escalate ang mga aktibidad sa bulkan kayat posible pa rin ang pagputok nito.
Posible din na mangyari ang steam-driven explosions o phreatic eruptions.
Sa kabila naman nito, nananatili sa ilalim ng Alert Level 2 ang bulkan o nasa state of increasing unrest.
Samantala, ayon sa ahensiya, tumaas ang seismic activity sa bulkan noong nakalipas na Setyembre 9, 3 buwan lamang matapos itong pumutok.
Sa monitoring naman ng Phivolcs sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ng 45 volcanic earthquakes.
Umabot naman sa average na 8,932 tonelada kada araw ang asupre mula sa bulkan noong Setyembre 19. Payo naman sa publiko sakaling malanghap ito dapat na uminom ng maraming tubig at hugasan ng mabuti ang mata ng malinis na tubig kapag nakaranas ng eye irritation.