-- Advertisements --

Hinikayat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga Pilipino na seryosohin ang bawat earthquake drill na isinasagawa, bilang paghahanda sa posibleng pagtama ng ‘The Big One’.

Ayon kay Phivolcs Senior Science Research Specialist Bhenz Rodriguez, tuloy-tuloy ang namomonitor nilang mahihinang pagyanig na dulot ng West Valley Fault, ang active fault na posibleng pagmulan ng pinangangambahang magnitude 7.2 na lindol o mas mataas pa. Ang naturang lindol ay ang kilala sa tawag na ‘Big One’.

Sa katunayan aniya, ang pinakahuling pagyanig na naitala rito ay noong March 14 na nagdulot lamang ng magnitude 1.5. Ito ay natukoy sa bisinidad ng Doña Remedios Trinidad sa probinsya ng Bulacan.

Apela ng opisyal, magsilbi sana itong paalala sa publiko ukol sa bantang dulot ng West Valley Fault, at paalalang dapat ay seryosohin ng publiko ang mga isinasagawang earthquake drill, apat na beses sa loob ng isang taon.

Ang West Valley Fault ay may habang 100 km na bumabagtas sa ilang mga probinsiya at syudad sa Luzon.

Kinabibilangan ito ng mga probinsya ng Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite, kasama na ang mga syudad na may matataas na populasyon tulad ng Quezon City, Pasig City, Marikina City, Taguig City at Muntinlupa City.

Huling naitala ang major earthquake sa ilalim nito noong 1658 at ayon sa mga eksperto, maaaring muli itong magdulot ng malakas na pagyanig tuwing 200 hanggang 400 years.