Ibinabala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibilidad ng pag-daloy ng lahar mula sa Mayon Volcano dahil sa sunod-sunod na mga pag-ulan dulot ng shearline.
Ayon sa ahensiya, maaaring anurin ng sunod-sunod na pagulan ang lahar o volcanic sediments na dadaloy sa mga channel sa dalisdis ng bulkang Mayon.
Maaari ding magresulta ito ng maputik na agos ng tubig sa mga sapa, at maging banta sa mga malalapit na komunidad na nasa middle at lower slope ng Mayon volcano.
Kabilang sa mga posibleng maapektuhan dito ay ang Miisi, Binaan, Anoling, Quirangay, Maninila, Masarawag, Muladbucad, Nasisi, Mabinit, Matan-ag, Basud, at Bulawan Channel sa Albay.
Dahil dito ay hinihimok ng ahensiya ang mga lokal na pamahalaan sa mga naturang lugar na mag-obserba at gumawa ng mga pre-emptive response para sa kapakanan ng mga residenteng maapektuhan ng naturang lahar flow.