LEGAZPI CITY – Channel-confined lahar na hindi gaanong mapaminsala ang namataan ng Bulusan Volcano Network sa Sorsogon kagabi.
Paliwanag ni Phivolcs Director Renato Solidum sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, inanod ng malakas na pag-ulan ang mga abong nadeposito sa bulkan sa mga nagdaang phreatic eruptions.
Dumaan ang daloy ng putik sa major channel ng Mt. Bulusan sa Juban at ilan pang ilog sa Irosin.
Paalala pa nito na pakabantayan din ang ibang ilog na konektado sa bulkan dahil posibleng maging erosive ang ilan pang lumang deposito bunsod ng mararanasang mga pag-ulan.
Nakaimbak aniya ang pinakamaraming deposit sa west-northwest ng bulkan o sa bahagi ng Juban.
Posibleng mailibing ang mga ari-arian at buhay sakaling magbaba ng malaking volume ng lahar kaya’t manatiling alerto.
Nilinaw din ni Solidum na walang naitalang panibagong phreatic eruption ang seismic at infrasound stations sa Bulusan.