GENERAL SANTOS CITY – Nag-iingat ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa pagtukoy kung alin ba talaga sa mga fault lines ang pinagmulan ng 6.5 magnitude na lindol na tumama noong Oktubre 29, 2019.
Ito ang sinabi ni Nani Danlag ng Phivolcs Gensan na nagsagawa ng pagsusuri ang kanilang mga geologist para malaman kung alin sa mga fault ang gumalaw.
Dagdag pa nito, marami kasing fault sa lugar kaya’t maingat sila sa pagpapalabas nang pahayag.
Una nang naiulat na na ang magnitude 6.3 ay nagmula sa Makilala Malungon fault habang malapit lamang ang Datu Paglas, M’lang fault.
Ang 6.5 magnitude na lindol kahapon ng umaga ay aftershock umano sa magnitude 6.6 na main shock noong October 29, 2019.
Dagdag pa nito, ang magnitude ay ang lumabas na enerhiya habang ang intensity ang epekto na naramdanan sa pagyanig.
Nalaman na maraming aftershock na rin ang nangyari matapos ang magnitude 6.5 na lindol na ang sentro ay sa Tulunan, North Cotabato.