Binigyang-diin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pangangailangang lumayo muna sa four-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) na palibot ng Bulkang Kanlaon.
Ito ay kahit pa mistulang bumababa na ang aktibidad ng naturang bulkan.
Ayon kay Phivolcs director Teresito Bacolcol, kailangan pa rin ng istriktong pagbabawal sa mga tao na pumasok sa PDZ upang maiwasan ang anumang aksidente dulot ng pagbuga ng bulkan.
Hiningi rin ni Bacolcol ang tulong ng mga local government units na nasa palibot ng bulkan para sa mahigpit na implementasyon dito.
Kabilang sa mga tinutukoy ng direktor ang mga lugar ng Ara-al at Yubo sa La Carlota City; Sag-ang, Mansalanao, Cabagnaan at Biak na bato sa La Castellana; Minoyan, Murcia; Masolog, Pula at Lumapao sa Canlaon City at brgy. Codcod, San Carlos City.
Paliwanag pa ni Bacolcol na ang naunang pagsabog ng bulkang Kanlaon ay posibleng mangyari muli, na siyang nagpapataas sa banta sa palibot ng naturang lugar.
Mataas din aniya ang banta ng mga volcanic hazards tulad ng PDCs (pyroclastic density currents) at mga ballistic projectiles.
Kasabay nito ay pinayuhan din ng director ang mga Civil aviation officials na pagbawalan ang mga sasakyang panghimpapawid na lumipad sa tapat ng bulkan.
May mga banta pa rin aniya ng biglaang pagsabog na posibleng magdulot ng volcanic ash at mga rock fragments na maaaring makasira sa mga lumilipad na eroplano.