LEGAZPI CITY- Ipinaliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang nangyaring lahar flow sa lalawigan ng Albay sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Rolly.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Phivolcs Director Renato Solidum, umabot sa mahigit 200 mm ang rainfall level na rason ng pagdausdos ng lahar mula sa river channels ng bulkang Mayon.
Aniya dahil nabara na ng mga bato at buhangin ang mga ilog ay umapaw ang tubig at gumawa ng ibang channels ang lahar na dinaanan nito kaya maraming kabahayan ang natabunan.
Dagdag pa ng opisyal na hindi 100% nakakatulong ang mga itinayong dike dahil oras na ma-damage ang isang bahagi nito ay muling maghahanap ng ibang daan ang lahar.
Nilinaw rin ni Solidum na kung maayos na naka-disenyo ang mga quarrying sites sa Albay ay makakatulong ito upang mapalalim ang mga river channels na dinadaanan ng lahar subalit iginiit na hindi dapat mag-iwan ng quarry materials na posibleng makabara sa mga ilog.