-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology(PHIVOLCS) na mayroong pagtaas sa bilang ng mga volcanic activities ng Bulkang Mayon.

Base sa datos ng ahensya mula ng magsimula ang mga aktibidad nito ng Hunyo 1 hanggang kahapon, Hulyo 3, umabot na 7,178 ang total rockfall events, na nagresulta sa 174 pyroclastic density current o uson.

Nakapagtala rin ng kabuuang 343 volcanic earthquakes, habang sulfur dioxide na naitatala araw-araw ay umaabot sa 800 hanggang1000 tonelda.

Ayon kay Dr. Paul Alanis, PHIVOLCS Resident Volganologist, nakaabot na sa 2.7km ang lava flow sa Mi-isi Gully, 1.3km sa Bonga Gully, ngunit nitong nakaraang Hunyo 30 magkaroon ng uson sa Basud Gully na umabot sa apat na kilometro.

Aniya, patuloy na nakikitaan ng pamamaga o inflation sa bunganga ng bulkang Mayon na indikasyon na patuloy ring umaakyat ang lava mula sa ilalim patungo sa crater.

Sa kasalukuyan, nananatiling tatlong scenario ang nakikita ng PHIVOLCS, kung saan isa umano rito ang posibleng kahinatnan sakaling lumalala pa ang abnormalidad ng bulkan.

Posible umanong mangyari ang katulad ng 2006 eruption na nagkaroon ng “slow lava extrusion” o ang mahina at dahan-dahang pagluwa ng lava; o tulad ng 2018 eruption na nagkroon ng lava fountaining na posibleng tumagal ng lang buwan at itaas ang Alert Level 4.

Ngunit ayon kay Alanis, ang “worst case scenario” na tinitingnan ay kung maulit ang nangyari nang 2000 eruption kung saan maliban sa lava fountaining ay nagkaroon din ng pagputok o explosive eruption dahilan upang itaas sa Alert Level 5 ang alerto ng bulkang Mayon.

Samantala, nilinaw naman ng opisyal na sakaling makarating na sa 6KM permanent danger zone ang lava flow o ang uson, hindi umano lahat ng mga residente na nasa 7-8KM Extended Danger Zone ang ililikas kundi ang mga nasa Timog at Timog-Silangang bahagi lamang partikular na ang mga residente sa Daraga, Legazpi City at Sto. Domingo, kung saan matatagpuan naman ang tatlong Gullies, ang Mi-isi, Bonga at Basud.