-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi konektado ang dalawang malalakas na mga lindol na tumama sa magkaibang lalawigan mula kahapon hanggang kanina.

Matatandaang niyanig ng magnitude 6.1 na lindol ang Zambales nitong Lunes, samantalang binulabog naman ng mas malakas na 6.5 magnitude na pagyanig ang Eastern Samar kaninang hapon.

Ayon kay Dr. Rommel Grutas, senior science research specialist ng Phivolcs, ang paggalaw sa Zambales-Pampanga area ay dulot ng local fault, samantalang trench-related naman ang naganap sa Visayas.

Ibig sabihin, bukod sa malayo sa isa’t isa ang dalawang mga probinsya, magkaiba ang fault system na gumalaw kaya walang kaugnayan ang mga ito sa isa’t isa.

Kasabay nito, pinawi ng Phivolcs ang pangambang baka magdulot ng tsunami ang lindol na tumama kanina sa Visayas area.

Paliwanag naman ni Ishmael Narag, officer-in-charge ng Seismological Observation and Earthquake Prediction Division ng Phivolcs, hindi na raw magkakaroon pa maraming mga aftershocks ang lindol sa Visayas dahil sa lalim nitong 63 kms na nasa intermediate level kaya hindi na raw nito kayang mag-trigger pa ng tsunami.

Voice clips of Phivolcs senior science research specialist Dr. Rommel Grutas and Phivolcs-Seismological Observation and Earthquake Prediction Division officer-in-charge Ishmael Narag

Samantala, sinabi ng Phivolcs na batay sa pinakahuli nilang nakalap na data, nasa 495 na raw ang napaulat na aftershocks sa naganap na lindol sa Zambales, habang 21 naman mula sa pagyanig sa Samar.