-- Advertisements --

Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology ng pagyanig mula mismo sa Bulkang Kanlaon sa nakalipas na magdamag.

Ayon sa ahensya, aabot sa 35 volcanic earthquakes ang na-monitor sa bulkan bukod pa ang naitalang mahinang pagsabog.

Maliban dito ay iniulat rin ng ahensya ang nasa 2,249 tonelada ng sulfur dioxide flux na ibinuga nito kasama na ang makapal na pagsingaw ng abo na mayroong taas na 600 meters.

Una rito ay naitala rin ng ahensya ang minor explosive eruption sa bulkan kung saan nagdulot ito ng manipis na ashfall.

Ito ay bumagsak sa bahagi ng Sto. Mercedes at San Luis, Brgy. Sag-ang sa lalawigan ng Negros Occidental.

Kaugnay nito ay nagdulot rin ang nasabing aktibidad ng channel-confined lahars sa Buhangin River at umabot ito hanggang sa bahagi ng La Castellana at Moises Padilla sa parehong lalawigan.

Sa ngayon ay nakataas pa rin ang Alert level 3 sa naturang bulkan kung saan ipinagbabawal sa mga residente at turista ang pagpasok sa 6 kilometer permanent danger zone.

Ipinagbabawal rin ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bunganga ng bulkan.