-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa matagal na pagkakalantad sa asupreng ibinubuga ng bulkang Kanlaon.

Ito ay matapos na magbuga ang Kanlaon ng kabuuang 5,177 tonelada ng sulfur dioxide nitong Linggo, Nobiyembre 3.

Ayon sa ahensiya, maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan at respiratory tract ang usok. Nagbabala din ang Phivolcs sa mga indibidwal na may health conditions gaya ng asthma, buntis at bata na sensitibo sa mga usok o singaw mula sa bulkan.

Samantala, nagbuga din ang bulkan ng makapal na plume na umabot sa 350 metro ang taas na napadpad sa timog-kanlurang direksiyon. Nananatili namang namamaga ang edipisyo ng bulkan.

Nakapagtala din ng 5 pagyanig sa bulkan sa nakalipas na 24 oras.

Sa ngayon, nananatiling nasa Alert level 2 ang Kanlaon dahil sa increased unrest kasunod ng naitalang pagputok noong Hunyo ng kasalukuyang taon.