-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa publiko na posible pang maramdaman ang mga aftershocks kasunod ng tumamang magnitude 6.0 na lindol sa Batuan, Masbate kaninang alas-2 ng madaling araw.

Ayon kay Phivolcs Resident Volcanologist Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tectonic in origin ang naturang pagyanig at pinaniniwalaang mula ito sa Philippine fault line na dumadaan sa Masbate.

Hindi rin inaalis ang posibilidad na masundan pa ito ng mas malakas na pagyanig kaya patuloy na pinaghahanda ang publiko dahil hindi umano batid kung kelan ito posibleng mangyari.

Maaalala na kagabi lamang ng tumama rin ang magnitude 4.5 na lindol sa Dimasalang, Masbate kung saan sinabi ni Alanis na ang fault line sa naturang bayan ay unang gumalaw noong February 15, 2003.

Inasahan na umano ng ahensya ang muling paggalaw nito dahil sa nangyayaring adjustment sa naturang fault line.

Kaugnay nito ay nakapagtala rin ng pinsala sa ilang mga kabahayan at establishimento ngunit sinabi ng Office of the Ciil Defense (OCD) Bicol na patuloy pa ang pagkalap nila ng impormasyon sa kabuuang pinsala sa lalawigan.

Samantala, kinansela na rin nag pasok sa elementarya at sekondarya sa buong lalawigan ng Masbate para sa isasagawang assessment ng mga lokal na opisyal kasunod ng pagyanig.