-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Ipinaliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mga salik sa pagbaba ng alerto ng Bulkang Mayon mula sa alert level 2 patungo sa Alert level 1.

Ayon kay PHIVOLCS resident volcanologist Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, base sa obserbasyon ng ahensya, wala nang namo-minitor na pamamaga sa bunganga ng bulkan na indikasyon na wala ng umaakyat na magma mula sa ilalim nito.

Aniya simula Enero sa kasalukuyang taon ay nasa isang volcanic earthquake na lang ang naitatala kada araw habang ang rockfall events naman ay nangyayari na lamang tuwing nagkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Bumabalik na rin umano sa normal ang ibinubugang volcanic gas ng Mayon volcano.

Sa kabila nito, nagbabala si Alanis na mapanganib pa rin ang binabantayang lava dome kung saan oras na magkaroon ng tipak ang ilang bahagi nito ay posibleng magdulot ng pyroclastic flow at bumagsak sa 6km permanent danger zone kaya ipinagbabawal pa rin ang pagpasok ng publiko.

Samantala, pinayuhan rin ng opisyal ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na iwasan ang pagpapalipad ng anumang uri ng saksakyang panghimpapawid malapit sa bulkang Mayon upang maiwasan ang anumang aksidente.