Pinag-iingat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang publiko kaugnay sa volcanic smog sa bulkang Taal sa gitna ng naobserbahang pgtaas sa degassing activity ng bulkan.
Nito kasing nakalipas na araw, umabot sa 11,745 tons per day ang ibinugang asupre ng bulkan. May taas itong 2,400 meters mula sa main crater.
Naobserbahan ng Phivolcs na patuloy ang degassing concentrations ng asupre sa bulkan simula pa noong 2021 na may average na 7,777 tons per day.
Ang posible namang paghina ng hangin sa mga susunod na araw ay maaaring humantong sa pagkukumpol ng asupre o tinatawag na volcanic smog.
Kayat nagbabala ang ahensiya na ang matagal na pagkakalantad sa volcanic SO2 ay maaaring magdulot ng pagkairita ng mata, lalamunan at respiratory tract.
Pinapayuhan din ang mga residente na limitahan ang exposure sa volcanic smog kapag nasa labas at magsuot ng proteksiyon gaya ng N95 facemasks.
Inaabisuhan din ang mahihinang sektor gaya ng may sakit na asthma, lung disease at heart disease, matatanda, buntis at bata na magpa-konsulta sa doktor kung kinakailangan.
Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert Level 1 ang alerto sa Taal at nananatiling abnormal ang sitwasyon kayat hindi isinasantabi ang banta ng posibleng pag-alburuto ng bulkan.